Thursday, October 27, 2011

ANG PAG-IBIG NI PAKITA

Maikling Kwento ng minsan kong mapatulan ang kalokohan ng kapatid ko.

ENJOY!

ni Juan Hapito
 
I.

“Ordinaryong babae lang si Pakita – nickname niya lang, ang tunay niya kasing pangalan Pilomina Aurora Kita. Hindi kagandahan, hindi rin naman ubod ng pangit, simple lang, yung hindi kapansin –pansin. Abot hanggang balikat ang buhok. Di katangusan ang ilong. Kahit anong suotin ok lang, yun bagang pang t-shirt at maong pants lang na babae. Kahit make-up’an mo ganun parin hitsura niya, mas maayos nga ata kung wala eh. Kung boobs naman pag-uusapan natin, uhhhmmmm, kasi wala akong alam sa mga cap cap eh basta hindi kalakihan, minsan nga parang magic eh kelangan mo pang hanapin. Pero nag-eexist naman siya. Yun nga lang, hindi lang talaga siya yung tulad na iba na talk of the town.

Isang semester na lang gagraduate na si Pakita sa kolehiyo at siya na lang ata sa mga kaklase niya sa kursong Broadcast Arts ang wala pang, ni isa, na manliligaw.

Tulad ng ibang babae, pakipot din si Pakita, hindi magigive in agad agad kahit ganun lang ang hitsura niya, pero hindi naman niya nagagamit iyon kasi nga wala din namang nagtatangka. At tulad din ng ibang babae sa kurso niya, minsan, lumalandi din siya, yung landi na tinutukoy ko hindi yung landing iniisip niyo ah. Ang ibig kong sabihin, nagkaka-crush din siya at kinikilig din pag may dadaan na pogi sa harapan niya halimbawa.

Si Pakita, hindi naiiba sa ibang ordinaryong babae, alam niya kung ano ang gusto niya at sa kahit anong paraan ginagawa niya ang lahat makuha lang ito.


II.


Humiwalay na si Pakita sa mga kaklase niya. Ang next stop niya kasi, sa sakayan ng tricycle na hindi rin naman kalayuan sa lugar kung saan sila naghiwa-hiwalay ng mga classmates niya.


Ang paguwi na iyon ay hindi na bago kay Pakita. Sa pilahan ng tricycle, sasakay siya, maghihintay mapuno hanggang sa umandar ang tricycle, ibaba siya ng tricycle driver sa palengke, sasakay siya ng isa pang tricycle hanggang sa makauwi na siya ng bahay. Nakakabagot na eksena. Walang kaemo-emosyon. Walang bago, paulit-ulit. Pero hindi inaasahan ni Pakita na may nakahanda palang surpresa ang araw na iyon sa kaniya.


III.


Nakarating na sa pila ng tricycle si Pakita. Puno na ang unang tricycle kaya hinintay niyang magmove ang kasunod. Walang pila ang mga tao, marami din naman kasi ang tricycle doon. Nagmove na papunta kay Pakita ang pangalawang tricycle. Handa na siyang sumakay sa loob pero may dalawang estudyanterng lalaki ang bigla biglang sumakay. Parang hindi siya napansin at diretso pa sa pagkukwentuhan ang dalawa hanggang sa maka-upo sa loob.


“Bakla to” pabulong na sambit ni pakita


Sunod na ginawa niya ay dali-dali siyang naglakad papunta sa backride ng tricycle. May isang matandang babaeng nakasakay doon na maraming dala-dala. Masikip na hindi pa man nakakasakay ang driver, inisip ni pakitang lumipat na lang sa pangatlong tricycle pero gusto na niyang makauwi kaya ipinagsiksikan na lang ni Pakita ang sarili, para siya ay magkasiya.


Parating na ang driver ng tricycle kaso biglang nagreact ang matanda.


“Ay nako yung wallet ko ano bayan”, sabay baba ng matanda sa back ride ng tricycle. Umatras naman ang Tricycle Driver.

Halata sa mukha ni Pakita ang pagkainis. Sinundan niya ng tingin ang matanda hanggang sa makaalis ito.

“Ay Puno na”, sinabi ng isang lalaki.

Pamilyar kay pakita ang boses na iyon kaya nilingon niya ito.

Sumambulat sa kaniyang mga mata ang kaniyang ultimate crush na si Junny, isang matipuno at guwapong guwapong estudyante mula sa kanilang University. Matangos ang ilong, kayumanggi, Parang mala- Piolo na Mario Maurer na may perfect na height.

Nagslow motion ang lahat kay Pakita. Parang ngang umulan pa ng rosas sa imagination niya at humuni ang mga ibon kasabay ng patuloy na pagtunog ng mga wedding bells, habang si Junny, mula sa pagkakayuko ay lilingon sa pangatlong tricycle at akmang lilipat doon.

“Kuya”, sambit ng dalawang lalaki sa loob ng tricycle.

Lilingon si Junny.

“Meron pang space”, sabay magtutulakan ang dalawa.

“Hindi sige dun na lang siguro ako sa susunod”, sagot naman ni Junny

Slowmotion parin ang pag-galaw ng mga bagay para kay Pakita. Pupunta na si Junny sa kabilang tricycle.

“AHEEEEEEEEMMMMMMMMMMMM!”, umubo ng pagkalakas-lakas si Pakita. Huminto ang lahat at nagtinginan sa kaniya kasama na dun si Junny.

Hindi maipinta ang mukha ni Pakita,

“Antagal naman ng driver”, banggit ni Pakita sabay palo sa space sa backride.

Bumalik ang lahat sa normal na takbo nito. Parang walang narinig si Junny didiretso siya sa susunod na tricycle pero tatawagin siya ng driver.

“Boy dito ka na ng maka-alis na”, sunod naman si Junny.

IV.

Naipit sa gitna ng Driver at ni Junny si Pakita sa backride. Hindi mapakali ang dalaga kaya para itong kiti kiting naglilikot. Gayun pa man, gusto niya ang pwesto niyang iyon dahil solong solo ng kaliwang parte ng katawan niya si Junny, pero hindi makikita sa mukha ni Pakita na may gusto siya sa binata.

Papa-andarin na sana ng driver ang tricycle pero naiirita siya sa kalikutan ni Pakita.

“Miss dun ka na lang umupo sa dulo”, sabi ng driver kay Pakita

Mula sa pagkakangiti, sumimangot ang dalaga. Hinawakan ng mahigpit ang dala-dala nitong body bag at pinaghahampas ang driver sa galit.

Yun sana ang gusto niyang gawin sa driver, pero alam niya sa sarili niyang hindi niya iyon kayang gawin kaya sumunod na lang siya.

V.

Masayang – masaya si Pakita ng mga oras na iyon, pero ayaw niya itong ipahalata kay Junny. Pakiramdam niya ay kaya niyang tumagal sa back ride na iyon ng kahit ilang oras pa.

Huminto ang tricycle. Bumaba ang isa sa dalawang lalaki na nasa loob ng tricycle.

“lipat na yung isa sa loob para di tayo masikip”, sabi ng driver kanila Pakita at Junny.

Tumingin si Junny kay Pakita. Nabigla ang dalaga, akala niya ata ay may nais sabihin sa kaniya si Junny kaya nagpakipot ito at nang - snob. Sumilip ang natirang lalaki sakanila.

“Lipat na daw yung isa dito”, sambit ng lalaki sa loob sabay ngisi.

Hindi maipinta ang mukha ni Junny. Bumaba ito sa backride at lumipat sa loob ng tricycle.

Nag-iba ang mukha ni Pakita. Parang gusto niyang pigilin ang binata pero hindi niya inalis ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak sa tricycle.

Umaandar ang tricycle sakay sa backride ang malungkot na si Pakita.

 VI.

“Neng palengke na”, sabi ng driver kay Pakita.

Bumaba ng tricycle si Pakita.

Umandar ang tricycle papalayo kay Pakita sakay ang kaniyang pag-ibig kay Junny.

Napahawak si Pakita sa kaniyang dibdib. Pinakiramdaman niya ang pagtibok ng kaniyang puso.

“buhay pa te!”, wika ni Pakita sa sarili.

VII.

Si Pakita, hindi naiiba sa ibang ordinaryong babae, alam niya kung ano ang gusto niya at sa kahit anong paraan ginagawa niya ang lahat makuha lang ito. Yun siguro ang sikreto niya kaya lagi siyang maganda sa paningin ko, masaya siya lagi, parang walang problema at nagagawa niya yung mga gusto niyang gawin sa buhay na hindi pinakikinggan yung sinasabi sa kaniya ng iba.

Hindi katulad ko, hanggang ngayon hindi ko masabi sa kaniya yung nararamdaman ko.

Gustong gusto ko siya, nahihiya lang ako. Nakakainis nga eh, kasi nung araw na nakatabi ko siya sa tricycle hindi ko pa nasabi sa kaniya. Nahihiya kasi talaga ako, muntikan pa nga ako hindi tumabi sa kaniya buti tinawag ako ni Manong Driver.

Hindi ako stalker, pero parang ganun na din, kasi hindi ko naman talaga kailangan sumakay ng tricycle kasi hindi rin naman doon ang daan ko pauwi, pero mas pipiliin ko parin mapalayo para lang makita si Pakita bago umuwi.”

“Cut, Cut, Cut! Pare ano ba yun?”, tanung ng kaibigan ni Junny na si Carlos habang hawak ang isang video cam.
Kasalukuyan kasi silang gumagawa ng isang video message ni Junny para ipagtapat ang kaniyang pag-ibig kay Pakita.

“Bakit?”, sagot ni Junny sa kaibigan

“Dapat kasi sabihin mo sakaniya: Ikaw ang aking pag-ibig pakita! Ganun! Diretso walang paligoy-ligoy”

“Baduy mo pre!”


- END –


2 comments:

  1. |bitin pre...kunting ayus sa part 6 and 7...parang pirated n CD. biglng tumalon eh. lgyan mo ng TWIST. kulang talaga.

    ReplyDelete
  2. For teenagers like us, It was quite relatable, actually. I've told my friends to read it and they liked it as well. :) We want more. Agree ako kay kuya. Hahaha. Kuya Masaru,I believe That's 21st century narration, hindi parang pirated cd. hahahaha. Proud of you Kuya. :)

    ReplyDelete